LPA at habagat nagdadala ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon
Ang low pressure area sa bahagi ng Calauag, Quezon at southwest monsoon o habagat ang sanhi ng makulimlim na panahon at nagdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon ngayong araw.
Ayon sa PAGASA, apektado ng nasabing weather system ang Nueva VIzcaya, Tuguegarao, Mainland Cagayan, Isabela kasama ang Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol region.
Sa susunod na 24 oras ay makararanas ng moderate to heavy at kung minsan ay may kalakasang pag-ulan ang mga nasabing lugar.
Samantala, ang tropical depression naman na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ay humina na bilang isang LPA kaya wala na itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.
Habang ang LPA naman sa loob ng PAR na humahatak ng habagat ay mababa pa rin ang tsansa na ma-develop bilang bagyo.
Malaya ring makapaglalayag sa mga karagatan ng bansa dahil walang nakataas na gale warning.
Inaasahang papalo ng hanggang 33 degrees celsius ang temperatura sa Metro Manila ngayong araw.