LPG Industry Regulation Act, lusot na sa Bicam
Matapos ang 18 taon na deliberasyon sa Kongreso, magiging isa nang ganap na batas ang panukalang regulasyon para sa industriya ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) na magtitiyak sa kapakanan at interes ng mga konsyumer.
Ito’y matapos aprubahan na ng Bicameral Conference Committee ang panukalang LPG Industry Regulation Act na magtatakda ng alituntunin at pamantayan na dapat sundin ng mga domestic industry players.
Magtatatag naman ng cylinder exchange and swapping program bilang proteksyon laban sa mga iligal na paraan ng pag-refill at mga mababang kalidad at depektibong tangke.
Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Energy na sa inaprubahang panukala, magtatalaga ng pamantayan at kaukulang responsibilidad sa industry players, tulad ng importers, bulk suppliers, bulk distributors, at mga retail outlets na sumunod sa itinakdang safety protocols.
Kapag tuluyang naisabatas, matitigil na ang maling gawain ng ilang negosyante tulad ng pandaraya sa timbang at importasyon ng mga second-hand cylinders o containers.
Meanne Corvera