LRT-1 Cavite Extension, nakatakda nang maging operational sa September 2024
Sinabi ni Department of Tranportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, na inaasahang magiging operational na sa lalong madaling panahon ang Light Rail Transit-1 Cavite Extension.
Aniya, “We are expecting this line will be operational by September of 2024. I’m impressed with the status of the project.”
Ayon sa DOTr, sa ngayon, ang Dr. Santos, Ninoy Aquino, at Redemptorist Stations sa Parañaque City ay mayroon nang 48.03%, 34.06%, 30.17% progress rates, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Samantala, ang progress rates naman para sa Asia World ay 37.12% at sa MIA Station ay 35.47%. Ang dalawang istasyon ay kapwa nasa Pasay City.
Ang 11.7-kilometer, 8-station LRT-1 Cavite Extension Project ang magdurugtong sa Baclaran sa Parañaque City at Bacoor, Cavite.
Una nang sinabi ng DOTr, na sa sandaling maging fully operational na ang LRT-1 Cavite Extension Project, ay inaasahan na magiging 25 minuto na lamang mula sa dating isang oras at 10 minuto, ang biyahe sa pagitan ng Baclaran at Bacoor.
Inaasahan din na tataas sa 800,000 mula sa dating 500,000 ang magiging pasahero nito araw-araw.
Ang proyekto ay isang joint venture ng DOTr, Light Rail Transit Authority (LRTA), at LRMC.