LRT-2, may libreng sakay para sa mga PWD sa araw ng halalan, May 9
Inanunsyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na may alok silang libreng sakay sa LRT Line 2 (LRT-2) para sa persons with disabilities (PWDs) sa araw mismo ng halalan bukas, May 9, 2022.
Batay sa advisory, maaaring maka-avail ng free ride ang mga PWD mula sa unang biyahe nito na alas-5:00 ng umaga hanggang sa last trip na alas-8:30 ng gabi sa Antipolo station at alas-9:00 ng gabi naman sa Recto station.
Kailangan lamang magprisinta ng valid PWD ID ang mga nais maka-avail ng free ride sa mga security o station personnel para makasakay.
Ayon kay LRTA Administrator Jeremy Regino, mayroon silang inilaan na Special Boarding Area (SBA) o designated areas para sa senior citizens, PWDs at mga buntis kung saan may tren na magdadala sa kanila mismo sa mga voting precint.
Mayroon ding designated spaces sa loob ng tren para sa mga gagamit ng wheelchair.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), isa ang libreng sakay sa mga hakbang ng gobyerno upang matulungan ang mga kababayan nating may kapansanan sa maginhawang pagbibyahe upang makaboto sa araw ng halalan.
Hinikayat din ni LRTA Administrator Regino ang mga pasaherong PWD na patuloy na sumunod sa ipinatutupad na health at safety protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, bawal ang phone calls, pakikipag-usap sa telepono at pagkain habang nakasakay sa tren.