LTO at limang lungsod sa NCR, pinagkukomento ng SC sa petisyon na ipahinto ang NCAP
Kinuwestiyon sa Korte Suprema ng ilang transport groups ang ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP) na ipinapatupad sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, naghain ng petisyon ang mga grupong KAPIT, PASANG MASDA, ALTODAP, at ACTO para ipatigil ang implementasyon ng polisiya.
Tinukoy na respondents sa petisyon ang Land Transportation Office (LTO) at ang mga lokal na pamahalaan ng Maynila, Quezon City, Valenzuela City, Parañaque City, at Muntinlupa City.
Hindi naman nagpalabas ang SC ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng NCAP.
Sa halip ay inatasan ng Korte Suprema ang respondents na magsumite ng komento sa petisyon ng transport groups.
Binigyan ng SC ng 10 araw ang LTO at ang limang NCR cities para maghain ng kanilang tugon sa petisyon na ihinto ang implementasyon ng NCAP.
Iginiit ng petitioners na walang legal na batayan at labag sa Saligang Batas ang implementasyon ng NCAP kaya ito dapat ipawalang- bisa.
Kaugnay nito, muling hinimok ng LTO na isa sa mga respondent ang limang NCR cities na pansamantalang suspendihin ang implementasyon ng NCAP.
Sang-ayon ang LTO sa posisyon ng petitioners na kailangan na rebyuhin ang polisiya at magkaroon ng malinaw na guidelines ang NCAP upang ito ay maging epektibo at paborable sa mga motorista at mga ahensya na nagpapatupad nito.
Moira Encina