LTO inamin sa Kamara na inaayos pa ang problema sa pagpapatupad ng NCAP ng mga LGU
Kinumpirma ni Land Transportation Office (LTO) Chief Atty. Teofilo Guadiz sa mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na kasalukuyang nagsasagawa ng pakikipagpulong ang LTO sa Local Government Units na nagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ito ang inihayag ni Guadiz sa ginawang pagdinig ng House Committee on Transportation na pinamumunuan ni Congressman Romeo Acop hinggil sa reklamo ng mga motorista sa pagpapatupad ng NCAP.
Ayon kay Guadiz bumuo ang LTO ng Technical Working Group kasama ang mga LGUS upang ma-plantsa ang gusot sa pagpapatupad ng NCAP partikular ang isyu sa halaga ng multa at kung sino ang papatawan ng multa ang operator o may-ari ng sasakyan o ang mismong driver.
Sinabi ni Guadiz na may rekomendasyon ang LTO Technical Working Group na magkaroon ng module para sa mga public utility vehicle o PUV kung saan ang multa para sa NCAP violation ay ipapataw sa driver at hindi sa operator ngunit sa mababang halaga.
Niliwanag ni Guadiz sa mga kongresista na iminungkahi ng LTO na i-harmonize ng mga LGU ang kanilang panuntunan sa NCAP sa panuntunan ng MMDA kung saan higit na mas mababa ang multa kumpara sa ipinapataw ng LGUs.
Vic Somintac