Maawa naman kayo sa Philhealth
Magandang araw mga ka-Isyu! Isa pang isyu na dapat na maisulong ng ating mga mambabatas para maging ganap na batas dahil sa may tinatawag tayong Universal Health Care kaya lang kulang sa pondo.
Maganda ang layunin kaya lang may problema sa pondo. Iyung health care facilities at health care program ng gobyerno ay nararapat na maisulong. Iyan ang importante ngayon.
Lusot na sa ikatlong pagbasa sa mababang kapulungan ng kongreso, ang panukalang batas na pagkakalooban ng libreng medical check-up ang mga mamayang Filipino.
Malaking tulong ito lalo pa nga kung minsan o sa madalas na pagkakataon kaya hindi ka makapagpaduktor o makapunta sa ospital dahil wala kang pera.
Minsan kahit may pera pero kung puwede namang tiisin ay tinitiis muna. May mga pagkakataon na kagagalitan ka ng duktor kung bakit ngayon lang nagpagamot o dinala sa ospital, pero, ano ang magagawa mo walang pera?
Maraming bansa na talagang ang pinaghuhusay o pinagbubuti nila ay ang kanilang health care system. Sana dito rin sa Pilipinas.
Layunin ng gobyerno na maisulong ang kapakanang pangkalusugan ng mga Pinoy sa pamamagitan ng pagbibigay ng taunang check-up na libre sa alinmang pampublikong ospital.
At least makaranas man lang tayo ng annual check-up, kasi ang nakagagawa lang nito ay taong may mga health card at may kaya sa buhay. Sa ilalim ng panukala, magiging libre na ang pagkuha ng blood sugar, at cholesterol test. Kulang pa rin ito, sana ay nilahat na.
Huhugutin na naman ang pondo mula sa Philhealth para sa libreng annual check- up ng mga Filipino. Ang kawawang Philhealth, palabigasan. Sa kanila pa rin pala kukunin.
Hay naku, kawawang Philhealth. Hirap na hirap na ang Philhealth sa problema natin sa pandemya, tapos ‘yung annual check-up Philhealth pa rin.
Dagdagan n’yo naman ang allocation nila. At hindi lahat ay sa Philhealth iaasa. Universal Health Care, tapos itong annual check-up, Philhealth ulit.
Alam n’yo okay sana yung panukalang annual check-up kaya lang bakit limitado lang sa sugar at cholesterol test? Sana nilahat na lang, hay buhay!