Mababang bilang ng kaso ng COVID-19 napanatili sa Apo Esquievel sa Jaen Nueva Ecija

Napanatili ng Brgy. Apo Esquievel, Imelda Poblacion, Jaen, Nueva Ecija ang single digit ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Ayon kay Brgy. Chairman Jose Mendoza, Jr., sinikap ng buong konseho na maipatupad ang mahigpit na protocols ng IATF, hinggil sa pangkalusugan at seguridad ng bawat mamamayan na kanilang nasasakupan, katuwang ang Jaen PNP at barangay health workers (BHW).

Sa datos, higit isanglibong indibidwal o higit sa apat na raang pamilya ang naninirahan sa nasabing barangay.

Sa kabuuang bilang ng kumpirmading kaso ng COVID-19, nasa anim ang nahawaan ng sakit, habang apat ang gumaling na, isa ang naka home quarantine at isa ang nasawi.

Isa sa alternatibong hakbangin ng barangay ay ang masusing monitoring sa bawat pamilyang may kaanak na nagpositibo sa sakit, sa tulong ng barangay health and emergency response team o BHERT, pagpapatupad ng mandatory quarantine sa mga nagpositibo sa virus, pag-disinfect at pag-sanitize sa bawat pasilidad sa mga pangunahing establisimyento at paligid ng naturang barangay.

Sinabi pa ni Mendoza, na isa sa mga naging quarantine facility nila para sa mga suspected patient ay ang Jaen Central School, kung saan may agarang tulong mula sa local government unit na ibinibigay para masuportahan ang pangangailangan sa araw-araw ng mga naka-quarantine.

Dagdag pa nito, sa bawat Sitio ay nagtalaga sila ng BHW para mas paigtingin pa ang monitoring sa mga residente na kanilang nasasakupan.

Ulat ni Jimbo Tejano

EAGLE NEWS

Please follow and like us: