Mababang interest rates sa bansa, pinanatili –BSP
Inanunsiyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pinanatili ng Monetary Board ang mababang interest rates sa bansa.
Sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na 2% pa rin ang interest rate sa overnight borrowing.
Gayundin, mananatili sa 1.5% at 2.5% ang overnight deposit at lending rates.
Nangangahuluhan ito na makakautang ang mga negosyo at Pilipino sa mas mababang halaga.
Ayon kay Diokno, walang gaanong pagbabago sa pinakahuling baseline forecast mula sa nakaraang assessment.
Tinatantiya naman ng BSP na ang average inflation sa bansa ay papatak sa 2% hanggang 4% ngayong taon.
Naobserbahan din ng Monetary Board na ang economic growth ay tila nagkakaroon ng solid traction bunsod ng pagluluwag sa quarantine protocols at pagpapatuloy ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
Pero, ipinunto ng Monetary Board na ang patuloy na mga hakbangin upang maingatan ang kalusugan ng publiko ay crucial pa rin para makatulong sa recovery sa investment at employment.
Moira Encina