Mabagal na internet service ng mga Telcos, binubusisi ng Senado
Iniimbestigahan ngayon ng Senado ang mabagal at mahinang Internet service connection.
Sa kabila ito ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na madaliin ang konstruksyon ng mga cell towers dahil sa mataas na demand sa internet dulot ng Pandemya.
Ayon kay Senador Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, umaabot sa mahigit 50,000 cell towers ang kakailanganin para maresolba ang problema sa mabagal na koneksyon.
Iginiit ni Poe na dinagdagan na ng Senado ang pondo ng gobyerno para sa internet connectivity lalu na sa mga malalayong probinsiya para makatulong sa pagpapa-angat ng ekonomiya.
Pero ayon kay National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba, dahil sa nangyaring pandemya, natigil ang konstruksyon ng cell towers sa buong bansa.
Nagkaroon rin aniya ng mataas na demand ng internet dahil bukod sa work from home at ginagamit na rin ito sa online learning.
Iginiit ni Cordoba na nitong huling quarter ng taon, nagkaroon na ng improvement sa internet service pero muling nagkaroon ng problema dahil sa sunud-sunod na mga bagyo.
Meanne Corvera