Mabagal na pag-agos ng lava sa Mayon nagpapatuloy, 299 rockfall events naitala – PHIVOLCS
Courtesy: PHIVOLCS
Naitala ang pitong dome-collapse pyroclastic density currents (PDC) sa Mayon Volcano.
Sa nakalipas na 24-oras, iniulat ng Philippine Institute for Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nakapagtala din ang Mayon Volcano Network ng 299 na rockfall events at dalawang volcanic earthquakes.
Patuloy pa rin ang mabagal na daloy ng lava mula sa summit crater at collapse debris sa Mi-isi sa layong 2.5 kilometers at Bonga Gullies sa layong 1.8 km.
“Lava collapse on both gullies within 3.3km from the crater,” ayon sa advisory ng PHIVOLCS.
Nitong Martes, June 20, umabot sa 507 tons/day ang sulfur dioxide na inilabas ng Mayon, habang nasa 800 metro ang taas ng plumes na ibinuga ng bulkan.
Nananatili pa rin ang Alert Level 3 mula noong June 8 dahil sa patuloy na “intensified unrest” na ipinakikita ng bulkan.
Sinabi ng PHIVOLCS na ang kasalukuyang pag-a-alburuto ng Mayon ay hindi nalalayo sa pagputok nito noong 2014 na tumagal ng tatlong buwan.
Babala rin ng PHIVOLCS na posibleng magbago ang kondisyon ng Mayon anumang oras at maaaring magtuloy ang mabagal at tuloy na lava extrusion o lava fountaining na may manaka-nakang pagsabog o explosive eruption.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) umaabot na sa 39,000 o 10,167 pamilya ang inilikas na residente mula sa loob ng 6-km permanent danger zone (PDZ).
Nanunuluyan sa 28 evacuation centers sa Bicol Region ang 18,904 indibidwal o 5,466 pamilya, habang ang nalalabing 1,305 individuals o 373 pamilya ang nagkanlong sa mga shelters sa labas ng evacuation centers.
Sa ulat ng NDRRMC, nasa P70.8 million na halaga ng tulong ang naipagkaloob na sa mga apektadong residente sa rehiyon.
Weng dela Fuente