Mabilis na proseso sa importasyon ng COVID-19 vaccines ng private sector, ipinag-utos ni Pangulong Duterte
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si vaccine czar Carlito Galvez na pirmahan kaagad ang lahat ng mga dokumentong kailangan ng private sector na nagnanais mag-import ng COVID-19 vaccines.
“Ang aking decision, I have ordered Secretary Galvez to sign any and all documents that will allow the private sector to import (COVID-19 vaccine) at will. Maski kahit magkano o ilan ang gusto nilang ipasok, ok sa akin”, pahayag ng Pangulo sa kanyang Cabinet meeting kagabi kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan”.
Ginawa ng Pangulo ang direktiba matapos na mabalitaan na naka-hold ang iba pang suplay ng bakuna sa ibang bansa dahil sa pag-aagawan sa suplay.
“Dito sa mga countries na ito na sinasabi ko, I can not name the countries, nag-aagawan sila ngayon, hinold ang (bakuna) …. wala man tayong magawa”.
” Itong dumating ngayon na 1.2 million, tamang-tama lang ito sa mga frontliners, sa mga health workers at yong may connection doon sa trabaho in fighting Covid.
Ang sunod na delivery natin ay 2 million pero wala pang siguro yan”.
Ayon sa Pangulo, maraming negosyante ang nais makabili ng bakuna para sa kanilang mga trabahador dahil malaki na ang epekto ng mahigpit na quarantine protocols sa kanilang mga negosyo.
“Dito sa Pilipinas maraming mga negosyante ang gustong bumili dahil ibigay nila sa kanilang mga trabahante. You know what is the reason? So that the economy can be opened. Yung mga factory nila walang trabahante because itong kayraming restrictions sa movement ng mga tao”.
Nagbabala naman si Pangulong Duterte sa mga posibleng magsamantala sa sitwasyon para magbenta ng pekeng bakuna:
“I’m just warning you. Huwag na huwag kayong magkakamali dito, na hirap na ang Filipino tapos dadagdagan mo pa ng ganitong pamamaraan ng hanapbuhay, pupulutin ka talaga kung saan.”