Mag-asawang Vietnamese, pinigilang makaalis ng bansa ng BI dahil sa paggamit ng pekeng immigration stamps sa pasaporte
Pinigilan ng Bureau of Immigration sa NAIA ang mag-asawang Vietnamese na makaalis ng bansa dahil sa paggamit ng pekeng immigration stamps sa kanilang pasaporte.
Patungo sana sa Ho Chi Minh City sina Nguyen Thanh Quang, 35 anyos, at misis niyang Pham Thi Dung, 34 anyos sakay ng Philippine Airlines flight.
Pero hindi pinayagan ang mag-asawa na makaalis ng mga tauhan ng BI matapos mabatid na peke ang arrival stamps na nakatatak sa kanilang mga pasaporte.
Napag-alaman din ng mga immigration officers na overstaying sa Pilipinas ang dalawa.
Batay sa datos ng BI, siyam na buwan nang nasa bansa ang Vietnamese couple dahil June 5, 2018 pa sila dumating ng Pilipinas.
Ayon sa BI, sa halip na mag-apply ng extension ng kanilang pananatili sa bansa at magbayad ng required fees ay mas pinili ng mag-asawa na makipagtransaksyon sa nga fixers.
Nakaditene ang mag-asawa sa BI Detention Facility sa Taguig habang nakabinbin ang kaso laban sa kanila dahil sa paglabag sa Philippine Immigration law.
Ulat ni Moira Encina