Mag repormang ipinatutupad ng bagong liderato ng Bucor, tututukan ng DOJ
Tututukan ng Department of Justice (DOJ) ang mga reporma na ipinatutupad ng bagong liderato ng Bureau of Corrections sa New Bilibid Prisons.
Ito ay sa harap ng ulat na ang ilan sa mga inmates ay napuwersang matulog sa labas ng selda at mas lumala ang kondisyon ng mga preso sa loob dahil sa isinagawang demolisyon ng mga kubol at iligal na struktura sa Bilibid.
Ayon kay Justice secretary Menardo Guevarra, inatasan na niya ang interim DOJ oversight committee na mahigpit na i-monitor ang mga reporma sa bilibid at tiyaking ito ay alinsunod sa mga batas at ikinonsidera ang kapakanan ng mga inmates.
Sinabi ng kalihim na iniutos niya ang pagbantay sa mga reporma kahit na hindi puwedeng makialam ang DOJ sa pang-araw-araw na operasyon ng bucor dahil mayroon lamang General Administrative supervision ang kagawaran sa mga kulungan.
Pero kasama anya sa superbisyon ng DOJ sa Bucor ay ang pagpuna sa mga hakbangin na labag sa batas at hindi tama.
Kabilang na rin anya rito ay ang pagpataw ng disciplinary action kung kinakailangan.
Ulat ni Moira Encina