Magarbong party ng PCSO na ginastusan ng 9.8 milyong piso, iimbestigahan sa kamara
Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa kamara ang umano’y maling paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes office o PCSO.
Ito ay matapos maghain ng isang resolusyon ang mga militanteng kongresista na humihiling sa house committee on good government and public accountability na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa umano’y hindi tamang paggastos ng pcso sa 9.8 milyong pisong pondo nito sa kanilang party.
Una rito, ibinunyag ni PCSO board member Sandra Cam ang iba’t ibang anomaliya at kurapsyon sa loob ng ahensya na ang pangunahing mandato ay magbigay ng tulong sa mga mahihirap.
Bukod sa magarbong party na ginastusan ng 9.8 million pesos, kabilang din sa mga alegasyon na tinukoy ni Cam ay ang paglalaan lang ng PCSO ng 2 bilyong piso para sa charity fund mula sa 18 bilyong pisong kita nito mula sa pagdedeklara ng small town lottery o STL operators ng 15 hanggang 20 porsyentong aktuwal na kita at ang 80 porsyento ay ginagamit umanong payola sa mga matataas na opisyal ng PCSO at pag-hire ng chairman at general manager sa kanilang mga anak bilang staff at consultants.
Pinasisiyasat din ng mga militanteng kongresista ang mga akusasyon naman ni PCSO General Manager Alexander Balutan laban kay Cam tulad ng paggamit nito sa pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte para makapag-operate ng STL ang gambling operator na si Charlie Atong Ang kapalit ng 200 million pesos kada buwan at mismong si Cam ay guilty sa pagkuha ng mga kahina-hinalang personalidad bilang kaniyang consultants at staff.
Ang batuhan umano ng akusasyon nina Cam at Balutan ay malinaw na paglabag sa kani-kanilang mandato bilang public officials ng PCSO at ang naaapektuhan sa kanilang bangayan ay ang mga mahihirap na dapat nilang pasilbihan.
Ulat ni Eden Santos
=== end ===