Magiging papel ni presumptive VP Sara Duterte may malaking epekto sa pagbangon ng Sektor ng Edukasyon
Sinusuportahan ng mga Senador ang desisyon ni presumptive President Bongbong Marcos na italaga si presumptive Vice president Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education.
Ayon kay Senador Joel Villanueva, bukod sa prerogative ito ng Pangulo crucial ang magiging papel ng mga opisyal ng DEPED lalo na sa mga kabataan at eskwelahang tinamaan ng pandemya .
Nauna nang inirekomenda ng NEDA ang pagbabalik ng face to face dahil sa naging epekto ng COVID-19 sa future productivity ng mga kabataan.
Para kay Senador Sherwin Gatchalian, kailangang maging matapang ang susunod na administrasyon sa pagtugon sa krisis sa edukasyon.
Bago pa man aniya ang pandemya, hindi na naging maganda ang performance ng mga mag-aaral sa bansa sa international assesment tulad ng 2018 programme for international student assesment.
Maraming Pilipino na rin aniya ang hindi kuntento sa K to 12 program batay sa huling survey ng Pulse asia lalo na ang dagdag na gastos sa edukasyon, transportasyon at pagkain.
Hindi na aniya maari ang business as usual sa DEPED at kailangan ang pinunong magrereporma sa proseso at i-aangat ang sistema ng edukasyon.
Handa aniya ang mga Senador na makipagtulungan sa susunod na administrasyon para bumalangkas ng mga batas at patakaran para mapabuti pa ang sistema ng edukasyon.
Meanne Corvera