Magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI sa tagong yaman ni Bautista, maaring gamiting ebidensiya sa impeachment complaint laban dito
Maaring gamiting ebidensya sa impeachment complaint at kasong kriminal laban kay Comelec Chairman Andres Bautista ang magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI sa sinasabing tagong yaman ng opisyal.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, maaring iprisinta sa impeachment trial at sa criminal proceedings ang makakalap na ebidensya ng NBI sa pagsisiyasat nito sa mga kinukwestyong yaman at ari-arian ni Bautista.
Sa oras aniya na mapatunayan na may mga hindi idineklarang pera at ari-arian ang Comelec Chief sa SALN nito ay sapat na itong ebidensya sa impeachment case laban dito dahil sa kapareho ring batayan napatalsik si dating Chief Justice Renato Corona.
Kung tutuusin aniya maliit lang na halaga ang sangkot sa impeachment case laban kay Corona kaysa sa sinasabing hindi idineklarang yaman ni Bautista sa SALN nito noong 2016.
Sinabi ni Aguirre na sakali namang mapawalang-sala si Bautista sa impeachment at matapos na ang termino nito bilang Comelec Chairman ay maari pa ring ipursige ang kasong kriminal laban dito.