Magiging saklaw ng emergency powers pinalilinaw ni Senador Grace Poe sa DOTr
Suportado ni Senador Grace Poe ang panukalang mabigyan ng emergency powers si Pangulong Duterte para maresolba ang matinding traffic sa Metro Manila.
Ang komite ni Poe ang nagsagawa ng pagdinig sa nakaraang Kongreso sa hinihinging emergency powers ng palasyo.
Pero ayon kay Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, kailangang linawin muna ng Department of Transportation (DOTr) ang magiging saklaw ng emergency powers, kung ano ang epektibong solusyon at hindi mauuwi sa korapsyon ang mga proyekto ng popondohan ng Kongreso.
Sa pagdinig aniya ng Senado, hinihingan ng mga Senador ng listahan ng mga proyekto at traffic management plan ang DOTr pero nabigo silang tugunan ang hirit ng mga mambabatas.
Iginiit ni Poe na batay sa Saligang Batas, hindi maaring magbigay ng blanket grant ng emergency powers.
Bukod dito, hindi rin aniya sinertipikahan na urgent ng Pangulo ang panukala kaya naging mabagal ang pag-usad sa Senado.
Ulat ni Meanne Corvera