Magkakasabay na inspeksiyon sa mga warehouse magpapatuloy
Inihayag ng Malakanyang na ang inspeksiyon sa iba’t ibang mga bodega sa bansa ay magpapatuloy, habang ini-imbestigahan ng mga awtoridad kung may nangyayaring hoarding sa suplay ng asukal na lilikha ng “artificial sugar crisis.”
Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, na magpapatuloy ang mga awtoridad mula sa Bureau of Customs (BOC), Department of Trade and Industry (DTI) at Sugar Regulatory Administration (SRA) sa pag-i-inspeksiyon sa mga bodega sa pamamagitan ng “exercise of visitorial powers”
“Tuloy pa rin ang inspection sa mga warehouse ng asukal para malaman ang tunay na estado at dami ng asukal sa merkado, at sa warehouses tungo sa pag-resolba ng tila artipisyal na krisis sa asukal” ani Angeles.
Ayon pa sa tagapagsalita ng palasyo, “simultaneous operations” ang isinagawa noong Biyernes sa mga sumusunod na lugar sa bansa: Deparo, Caloocan; Balut, Tondo at San Nicolas, Maynila; Rosales, Pangasinan; San Fernando, Pampanga; Ibaan, Batangas; Davao at may ilan aniyang mga bodega na nagpakita ng kuwestiyonableng mga dokumento.
Ayon pa sa opisyal, “So tuloy-tuloy pa rin ang mga operasyon natin at nagpapatunay ito na seryoso ang kampanya natin, para malinis ang sindikato ng hoarding at illegal importation ng asukal.”
Noong Huwebes, August 18 ay ininspeksiyon ng joint operatives ng BOC, DTI, Armed Forces of the Philippines at SRA ang mga bodega sa Pampanga at Bulacan, na nasumpungang may nasa 44,000 sako ng imported na asukal na nagkakahalaga ng halos P220 milyon.
Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na tutugunan ang iba’t ibang problemang kinakaharap hindi lamang ng industriya ng asukal, kundi sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa palasyo, iligal ang pag-i-isyu ng SRA Sugar Order No. 4 na nag-aatas sa importasyon gn 300,000 metriko tonelada ng asukal na hindi inaprubahan ni PBBM na nagsisilbi ring kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Binigyang-diin ni Marcos, Jr., na may sapat na suplay ng asukal mula sa naunang importasyon, ngunit papayag siyang umangkat pa ng 150,000 metriko tonelada ng asukal sa Oktubre kung sa panahong iyon ay hindi na sasapat ang suplay.
Ang mga opisyal naman ng SRA na lumagda sa kontrobersiyal na importation order ay nagbitiw na, matapos malaman ng palasyo ang naturang issuance sa pamamagitan ng website ng SRA. Ang post ay inalis na rin.