Magnitude 7.1 na lindol tumama sa Vanuatu
Tinamaan ng isang 7.1 magnitude na lindol ang baybayin ng Vanuatu, ngunit wala namang agad na naiulat na pinsala.
Ang lindol na may lalim na apatnapu’t walong kilometro o tatlompung milya, ay tumama humigit-kumulang isangdaan at dalawampung kilometro sa timog ng bayan ng Isangel at tatlongdaan at apatnapung kilometro mula sa kapitoyo nito na Port Villa.
Nagbunsod ito ng pagpapalabas ng isang tsunami warning, at nagbabala rin ang Meteorology and Geohazards Department ng Vanuatu sa mga residente sa southermost province ng Tafea na lumikas muna mula sa baybayin patungo sa mas mataas na lugar.
Ngunit ayon sa Pacific Tsunami Warning Centre, binawi na nila ang unang ipinalabas na babala, “there is no longer a tsunami warning from this earthquake.”
Unang iniulat ng United States Geological Survey, ang magnitude na 7.3 at lalim na 35 kilometro, ngunit hindi nagtagal ay binago ito.
Karaniwan ang mga lindol sa Vanuatu, dahil nakapaloob ito sa seismic Ring of Fire, isang arko ng matinding tectonic activity na umaabot sa Timog-silangang Asya at sa buong Pacific basin.
Ayon sa taunang World Risk report, ang Vanuatu ay isa sa mga bansang pinakamalimit tamaan ng mga natural na sakuna gaya ng lindol, bagyo, pagbaha at tsunami.