Mahabang pila ng mga pasahero sa MRT pinaaaksyunan ng isang Senador
Kinalampag ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. ang Department of Transportation sa paulit-ulit na problema sa operasyon ng Metro Railway Transit o MRT 3.
Kasunod ito nang lumabas na mga video na ipinost ng isang netizen sa napakahabang pila ng pasahero sa Ortigas Station kung saan nagkaroon pa ng komosyon ng mga iritado at pagod na commuters na nagsisigawan.
Ayon kay Revilla, masakit sa kalooban na makita ang patuloy na paghihirap ng mga commuter sa mahahabang pila sa tren lalo na tuwing rush hour.
Apila niya dagdagan ang mga tren lalo na kapag umaga at hapon kung kailan dagsa ang mga pasahero .
Hinimok ni Revilla ang DOTr sa pangunguna ni Secretary Jaime Bautista na agarang solusyunan ang paulit-ulit na problema sa tren dahil nasa 300,000 commuters ang araw-araw na umaasa rito.
Paalala ng Senador tumataas ang kaso ng COVID-19 infections sa Metro Manila at baka ang siksikan ang maging super spreader
Bagama’t hamon anya ito sa pamunuan ng DOTr, magsisilbi rin itong oportunidad upang patunayan ng gobyerno na kaya nitong tugunan ang pangangailangan ng publiko.
Meanne Corvera