Maharlika Bill maaari pang bawiin ng Senado bago palagdaan sa Pangulo
May pagkakataon pa umano si Senate President Juan Miguel Zubiri na bawiin ang nilagdaang Maharlika Investment Fund (MIF) bill.
Sa harap ito ng mga kwestyon sa panukalang batas matapos umanong i-retoke ang magka-ibang probisyon sa prescriptive period.
Naninindigan si Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel na hindi maaaring ang Senate Secretariat lamang ang magbago ng magka-ibang probisyon at kailangang ibalik ito sa plenaryo para ayusin.
Paliwanag pa ng minority leader ng Senado na hindi maituturing na saklaw ng subject to style ang pagbabagong ginawa sa panukala at dapat idaan sa pagboto ng lahat ng mga miyembro.
Para kay Pimentel, hindi na dapat aniyang ginalaw ang magka-ibang probisyon at pinirmahan anuman ang napagtibay sa plenaryo at isumite sa Pangulo.
Dagdag pa ng mambabatas, maaari namang maghain ng panukala para amyendahan ang Maharlika Bill sa pagbabalik ng sesyon sa Hulyo.
Meanne Corvera