Maharlika investment fund hindi na umano kailangan para umusad ang ekonomiya ayon sa isang Senador
Hindi pabor si Senator Cynthia Villar sa isinusulong na panukalang Maharlika Investment Fund.
Ito’y kahit pa sinertipikahang urgent ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukala na lumusot na sa Kamara.
Ayon sa mambabatas, bagamat successful ang investment fund sa ibang bansa, baka pagmulan pa ito ng problema sa korapsyon sa Pilipinas.
Bagamat handa raw siyang sumama sa mga debate at paghimay sa panukala, sinabi ng Senador na naniniwala siyang kahit walang wealth fund, makakarekober ang ekonomiya ng bansa.
Ang naturang Wealth Fund ang isa sa nakikitang solusyon ng mga nagsusulong ng panukala para mabilis na makarekober ang bansa sa epekto ng COVID 19 pandemic at giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Iginiit ng Senador na kailangan lang maging agresibo ang gobyerno at tulungan lalo na ang maliliit na negosyo para makabangon.
Para naman kay Senador Koko Pimentel, sana raw ang certification ng Pangulo ay hindi mangangahulugan na kailangan ring paspasan ng Senado ang pagtalakay sa panukala.
Hindi aniya madaliin ang pagtalakay sa panukala at kailangan ang masusing pagsusuri dahil sa maaring maging epekto nito lalo na sa future generations ng mga Pilipino.
Meanne Corvera