Mahigit 10,000 bagong COVID-19 cases, naitala sa unang araw ng ECQ
Pumalo na sa mahigit 10,000 ang bagong kaso ng COVID-19 na naitala ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes, Marso 29, 2021, ang unang araw ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Greater Manila Area.
Sa datos ng DOH, umaabot sa 10,016 ang bagong kaso ng COVID-19 na nadagdag sa bansa.
Ito na ang pinakamataas na daily case na iniulat ng DOH mula nang magsimula ang pandemya.
Sa ngayon, umakyat na sa 731,894 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases na naitala sa bansa.
Sa bilang na ito, 115,495 ang aktibong kaso.
Mayroon namang 78 na naitalang bagong gumaling mula sa virus.
Dahil rito, umabot na sa 603,213 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober mula sa COVID-19 habang 16 naman ang naitalang karagdagang bilang ng mga nasawi.
Sa ngayon umabot na sa 13,186 ang kabuuang bilang ng mga nasasawi sa bansa dahil sa COVID-19.
Madelyn Villar-Moratillo