Mahigit 100 buhay na Tarantula mula sa Poland nasabat ng Bureau of Customs
Aabot sa 119 buhay na tarantula ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa isang warehouse sa Parañaque city.
Ayon sa BOC, ang mga nasabing tarantula ay itinago sa loob ng rubber shoes.
Ang parcel ay idineklara bilang sapatos mula sa isang Michal Krolicki mula sa Poland at naka-consign sa isang taga-General Trias, Cavite.
Nabunyag ang iligal na kargamento matapos magduda ang mga Customs examiner sa nakitang imahe na lumabas sa X- Ray machines.
Dahil rito ay agad isinailalim sa Physical examination ang parcel at doon nakita ang iba’t-ibang species ng buhay na tarantula na nasa magkakahiwalay na plastic vial.
Agad namang itinurn over sa Department of Environment and Natural Resources Wildlife Traffic Monitoring Unit ang mga nasabing tarantula.
Noong 2019, may 757 na buhay na tarantula na itinago sa karton ng oatmeal at cookie boxes at 87 buhay na gagamba na nasa loob ng puting plastic canisters mula sa Poland ang nasabat rin ng BOC.
Ang mga tarantulas ay classified bilang Endangered Wildlife species.
Ang Illegal Wildlife Trading ay may parusang pagkabilanggo ng anim na buwan hanggang isang taon at multa mula 10,000 hanggang 200,000 piso batay sa Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act habang ang Unlawful Importation naman nito ay may parusa na pagkakabilanggo ng 30 araw hanggang anim na buwan at multa mula 25,000 hanggang 75,000 piso o maaaring umabot ng hanggang 250,000 piso kung isasama ang duties and taxes na hindi binayaran.
Ito ay batay na rin sa RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.
Madz Moratillo