Mahigit 100 Health workers sa Maynila tinamaan ng COVID- 19 sa kasagsagan ng Vaccine roll out
Sa kabila ng nagpapatuloy nang vaccination program ng gobyerno kontra COVID- 19, may mga health worker parin na tinatamaan ng virus.
Kaya naman si Manila Mayor Isko Moreno patuloy ang panawagan sa mga medical frontliner na magpabakuna na.
Ayon sa alkalde, mula Marso 1 hanggang 17 may 102 health workers mula sa kanilang 6 na district hospital ang na infect ng COVID- 19.
Sa datos ng Manila Health Department, sa 102 na ito 92 ang wala pang bakuna habang bakunado naman ang 10.
Ayon sa alkalde, ang 10 bakunado na ito na tinamaan ng virus ay nasa maayos namang kalagayan.
Una ng sinabi ng Department of Health na kahit nabakunahan na kontra COVID- 19 walang katiyakan na hindi na mahahawa sa sakit.
Pero maiiwasan umano ang malalang COVID-19 o maospital o masawi dahil sa virus.
Ayon kay Mayor Isko, may panibagong supply ng COVID- 19 vaccine na natanggap ang Maynila para sa kanilang vaccination program.
Aabot aniya sa 1,870 vials ng Sinovac vaccines at 1,000 vials ng AstraZeneca vaccines ang kanilang natanggap kahapon.
Para sa mga medical frontliner na nais magpabakuna ng Sinovac maaaring magpunta sa Sta. Ana Hospital habang sa Ospital ng Maynila naman para sa AstraZeneca.
Madz Moratillo