Mahigit 100 kaso ng delta variant, natukoy sa CALABARZON
Umaabot na sa 111 ang kaso ng delta variant ng COVID-19 ang naitala sa CALABARZON.
Ayon sa DOH CALABARZON, ito ay batay sa Regional Biosurveillance update noong Agosto 13.
Pinakamarami sa natukoy ay mula sa Cavite na 41 at sumunod ang Laguna na may 35 delta variant cases.
Tig-14 naman ang naitalang nahawahan ng nasabing variant ng COVID sa Batangas at Rizal habang may pito sa Quezon.
Nilinaw naman ni DOH CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo na wala nang aktibong kaso ng delta variant sa rehiyon.
Ayon sa opisyal, gumaling na ang 48 pasyente, 34 ang for verification, 27 ang may pending test results, at dalawa ang pumanaw.
Samantala, umakyat na sa 20,232 ang aktibong kaso ng COVID sa Region IV-A noong Agosto 16.
Ito ay makaraang madagdagan ng 846 bagong kaso ng sakit ang rehiyon.
Batay pa sa datos ng DOH Center for Health Development- CALABARZON, may bagong recoveries na 440 at may bagong pumanaw na 35 pasyente.
Moira Encina