Mahigit 100 PDLs mula sa Bilibid at CIW, nakalaya na
Kabuuang 152 persons deprived of liberty o PDLs ang nakalaya mula sa New Bilibid Prisons at Correctional Institution for Women bilang bahagi ng decongestion sa mga kulungan.
Ayon sa Bureau of Corrections, aabot sa 135 inmates mula sa Maximum Security Compound sa Bilibid at tatlong PDL returnees ang pinalaya na sa kustodiya mula May 31 hanggang June 6, 2021.
Kasama sa mga ito ang dalawang dayuhan at lima sa mga PDLs ay sumailalim sa Drug Dependency Examination.
Binigyan din ng transportation allowance ang lahat ng pinalayang inmates at loot bags na naglalaman ng mga grooming items, tshirts, at tsinelas.
Isinailalim din muna ang mga PDLs sa COVID-19 testing para matiyak na negatibo ang mga ito sa sakit bago palayain.
Samantala, aabot sa 14 na babaeng PDLs mula sa Women’s Correctional ang nakalaya noong June 8.
Dalawa sa mga ito ay dahil sa acquittal sa kaso at ang 12 inmates ay dahil sa sentence expiration bunsod ng
Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Pinagkalooban din ng transportation allowances at gratuities ang mga babaeng PDLs at negatibo sa COVID test bago pabalikin sa kani-kanilang pamilya at komunidad.
Moira Encina