Mahigit 100 ulat ukol sa mapagsamantalang online lending companies, inimbestigahan ng DOJ- Office of Cybercrime
Patuloy ang isinasagawang assessment ng DOJ- Office of Cybercrime sa mga ulat laban sa online lending companies (OLCs) na sangkot sa unfair debt collection at cyber harassments.
Ito ay batay sa isinumiteng 2021 accomplishment report ng Office of Cybercrime.
Ayon sa OCC, kabuuang 150 reports ukol sa mga nasabing OLCs ang nasiyasat ng tanggapan.
Ang mga ulat ay inendorso sa OCC ng Office of the President- Presidential Management Staff.
Kabilang sa mga hakbangin ng OCC laban sa online lending firms ay ang pagsasagawa ng technical surveillance at open-source investigation sa mga dawit na subjects.
Inendorso rin ng DOJ sa Securities and Exchange Commission ang mga reklamo para magawan ng kaukulang aksyon ng ahensya.
Kung ang reklamo ay nangangailangan ng full-blown investigation, ito naman ay ini-refer sa NBI at PNP.
Pero, kung ang reklamo ay nadetermina ng OCC na hinog na para sa pagsasampa ng kasong kriminal, inaabisuhan ang complainant na gumawa ng complaint affidavit sa pamamagitan ng pribadong abogado, public attorney o law enforcement authority upang maisampa ang kaso sa piskalya.
Ilan sa mga halimbawa ng online harassments at unfair collection practices ng mga OLCs ay ang pag-access sa contact list o phone book ng debtor para magpadala sa mga ito ng mensahe kapag hindi agad nabayaran ang utang; pag-post sa social media ng personal at sensitibong impormasyon ng debtor para hiyain ito; pagbabanta ng physical injuries o death sa nangutang; at paggamit ng mga masasama o mapag-insultong salita laban sa mga ito.
Moira Encina