Mahigit 1,000 bagong kaso ng COVID-19, muling naitala sa CALABARZON
Nadagdagan muli ng mahigit 1,000 bagong kaso ng COVID-19 ang CALABARZON.
Ayon sa pinakahuling datos ng DOH Center for Health Development- CALABARZON, kabuuang 1,049 ang naitalang bagong nagpositibo sa sakit sa rehiyon.
Dahil dito, umakyat na sa 116,629 ang kumpirmadong nahawahan ng virus sa Region IV-A mula pa noong nakaraang taon.
Gayunman, mahigit 91,600 na ang gumaling mula sa COVID matapos madagdagan ng 79 kaya nasa 21,800 na lang ang active cases sa rehiyon.
Samantala, umabot na sa mahigit 3,000 ang pumanaw na pasyente dahil sa virus makaraang madagdagan ng 11.
Ang Cavite ang may pinakamataas na bilang ng aktibong COVID cases na 8,254.
Pangalawa naman sa pinakamarami ang Laguna na 4,732 at sumunod ang Rizal at Batangas na parehong nasa 3,800 ang active cases.
Moira Encina