Mahigit 1,000 empleyado ng Bureau of Immigration, naisailalim na sa Covid testing
Aabot sa 1, 100 empleyado na ng Bureau of Immigration ang isinailalim sa mandatory rapid test simula nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, wala pa ito sa kalahati ng mga tauhan ng ahensya na nasa mahigit 3,000.
Ang mandatory rapid testing ay ginagawa aniya upang masiguro na wala sa kanilang mga tauhan ang positibo sa virus.
Tiniyak naman ni Morente na lahat ng kanilang mga tauhan ay maisasalang sa rapid test.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Morente kay Manila Mayor Isko Moreno dahil sa pagpayag nitong maisagawa ang mandatory testing sa kanilang mga empleyado sa Health Office ng lungsod.
Kulang na kasi umano sa mga tauhan at resources ang BI para maisalang sa Covid test ang kanilang mga tauhan.
Maging ang Quarantine facilities ng lungsod ay inialok din umano ng alkalde para sa mga BI personnel na kakailanganing sumailalim sa quarantine.
Ulat ni Madz Moratillo