Mahigit 1,000 mga paaralan, nominado ng Deped para sa Pilot testing ng face to face classes sa Enero
Umaabot sa 1,114 na mga eskwelahan ang inirekomenda ng mga Regional Directors ng Department of Education o DepEd para maisali sa dry- run ng face to face classes sa mga lugar na may mababang kaso ng Covid-19 sa Enero ng susunod na taon.
Sa Laging Handa Press Briefing sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ang mga eskwelahang isasali sa dry run para sa face to face classes ay kailangan pa ring makasunod sa mahigpit na safety protocols.
Ayon kay Secretary Briones kailangang ma-evaluate muna ng DepEd kung nakasusunod sa standard health protocols laban sa pagkalat ng Covid-19 ang mga kasaling eskuwelahan.
Inihayag ni Briones kailangan din ang pahintulot ng Local Government Units o LGU’S at may pagpayag ng mga magulang na maisali sa face to face classes dry run ang kanilang mga anak.
Kaugnay nito sinabi ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na hindi magiging full class size at full schedule ang pilot testing o dry run para sa limited face to face classes sa Enero.
Ayon kay Malaluan nasa 15 hanggang 20 mga mag aaral lamang ang isasali sa dry run ng face to face learning at hindi katulad sa dating normal na class size na nasa 30 hanggang 40 mga mag-aaral.
Paliwanag ni Malaluan ang limitadong bilang ng mga participants ay para maipatupad ang social distancing.
Samantala sinabi naman ni DepEd National Capital Region o NCR Director Malcolm Garma na hindi muna kasali ang alin mang paaralan sa Metro Manila para sa pilot test ng face to face classes sa Enero.
Inihayag ni Director Garma nasa ilalim pa ng General Community Quarantine o GCQ ang NCR hanggang katapusan ng Disyembre at ang kasali sa dry run ng face to face classes ay mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine o MGCQ.
Vic Somintac