Mahigit 1,500 indibidwal, nananatili pa rin sa mga evacuation centers sa Brgy. Bagong Silangan sa QC
Nakabalik na sa kanilang tahanan ang mahigit 1,000 mga residente ng Barangay Bagong Silangan na naapektuhan ng baha dulot ng Habagat noong Sabado.
Kanya- kanya na silang linis sa mga gamit na lumubog sa putik pero maari pang mapakinabangan.
Pero ang mahigit 1,500 indibidwal, nananatili pa rin sa mga Evacuation centers.
Marami sa kanila wala nang babalikang bahay matapos wasakin ng malakas na agos ng tubig.
Ayon sa isang residente, tagpi ang kanilang mga bahay dahil sa umagos na tubig mula sa creek.
Mabilis anilang lumaki ang tubig sa ilog na nagdurugtong sa San Mateo at Marikina.
Halos lahat ng mga residente ay walang naisalbang gamit dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.
Ilan lamang sila sa mahigit isanlibo at limandaang indibidwal o 432 na mga pamilya na namamalagi ngayon sa covered court ng Barangay Bagong Silangan.
Ayon sa kapitan ng baranggay, maaari silang mamalagi sa evacuation center habang hindi pa humuhupa ang tubig baha at wala pa silang malilipatan.
Ulat ni Meanne Corvera