Mahigit 1B scam messages naharang noong 2021 ng Globe
Aabot sa 1.15 bilyon na scam at spam messages at 7,000 kuwestiyonableng mobile numbers ang hinarang ng Globe noong 2021.
Sa pagdiriwang ng Safer Internet Day, sinabi rin ng telco na ipinatigil nito ang 2,000 social media accounts at phishing sites na ginagamit ng mga kriminal para makakuha ng personal na impormasyon, pera, at iba pa na sensitibo at importanteng bagay mula sa publiko.
Tiniyak ng Globe na mas hihigpitan nito ang seguridad para sa mga customers.
Ayon sa kumpanya, pinalalakas nito ang kanilang sistema at prosesa upang malabanan ang mga lumilitaw na security challenges.
Naglatag din ng mga paraan ang Globe para agad mai-report ng mga empleyado at customers ang mga insidente ng scam o spam.
Kabilang dito ang globe.com.ph/stop-spam para sa scam/spam messages at globe.com.ph/report-tampered-modem.html para sa tampered modems.
Nakikipag-ugnayan din ang telco sa mga malalaking bangko at online retailers sa bansa para sa direkta at 24/7 na pag-uulat ng mga fraudulent na aktibidad.
Pinayuhan din ng Globe ang publiko na mag-report sa PNP Anti-Cybercrime Group o sa National Telecommunications Commission kung may suliranin sa cybersecurity.
Madelyn Moratillo