Mahigit 2.5 milyong indibidwal sa bansa nabakunahan na kontra COVID-19
Umabot na sa 2,539,693 indibidwal dito sa bansa ang nabakunahan kontra COVID-19.
Ayon kay Health Usec Myrna Cabotaje, ang 2,025,038 rito ay nakatanggap ng unang dose ng bakuna habang 514,655 naman ang fully vaccinated na o nakatanggap kapwa ng una at pangalawang dose ng bakuna.
Sa 1.5 milyong health workers na target mabakunahan, nasa 1 milyon na aniya ang naturukan kontra COVID-19.
Ayon kay Cabotaje, karamihan sa mga natitirang health workers na hindi pa nababakunahan ay mula sa ibang rehiyon.
Sa 7.7 milyong senior citizen naman na target mabakunahan, nasa mahigit 466 libo palang aniya ang nababakunahan.
Kaugnay nito, nakipag ugnayan narin aniya ang Department of Health sa mga Regional Health Unit at mga lokal na pamahalaan para tiyakin ang mabilis na pagbabakuna kapag natanggap na ng mga ito ang alokasyong COVID- 19 vaccines.
Sa kabila naman ng pagdami na ng mga bakuna na dumadating sa bansa, iginiit ni Cabotaje hindi parin maaaring mamili ang publiko sa brand ng bakuna na nais nilang maiturok sa kanila.
Kung anong available vaccine sa area yun ang ibigay.
Nilinaw rin ni Cabotaje na kahit maraming available na bakuna ng Astrazeneca ngayon sa bansa at may ilan ang malapit na ang expiration ay hindi pa rin nila ito pwedeng ibigay sa A4 o essential workers.
Ang Astrazeneca vaccines ay kasama sa donasyon ng Covax facility.
Kaugnay nito, sinabi ni Cabotaje na nasa 43.64% na ng mahigit 193 libong doses ng Pfizer vaccines ang naideliver na sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ang alokasyon para sa Cebu at Davao ay naideliver na aniya nila habang patuloy naman ang delivery sa iba pang Lungsod sa National Capital Region.
Madz Moratillo