Mahigit 2 milyong halaga ng ukay-ukay nasabat sa Cebu; 30 milyong halaga naman ng smuggled cigarettes, sinira sa CDO
Aabot sa 2.3 milyong pisong halaga ng ukay-ukay mula sa Korea ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Cebu.
Ayon sa BOC, nakatanggap sila ng impormasyon patungkol sa isang shipment na hinihinalang naglalaman ng mga ukay-ukay.
Matapos isailalim sa eksaminasyon ang kargamento, nadiskubre na mga ukay-ukay nga ang laman nito.
Agad namang nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention ang District Collector ng Port of Cebu laban sa nasabing shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act 4653 na nagbabawal sa importasyon ng used clothings.
Noong Hulyo, aabot sa 4.5 milyong pisong halaga ng ukay-ukay mula sa Thailand ang nasabat rin sa Port of Cebu.
Samantala, aabot naman sa 30 milyong pisong halaga ng mga smuggled na sigarilyo ang sinira ng BOC sa Cagayan de Oro sa isang destruction facility gamit ang shredder machine.
Ayon sa BOC, ang nasabing shipment na naka-consign sa isang Lorna Oftana na taga-General Santos, City, ay nasabat pagdating sa Mindanao Container Terminal sa Misamis Oriental noong Mayo.
Ayon sa Customs, nasampahan na rin nila ng kasong paglabag sa RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act si Oftana.
Madz Moratillo