Mahigit 200 close contact ng Pinoy na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19, natukoy na
Umabot na sa 214 close contact ng kauna-unahang kaso ng UK variant ng COVID-19 sa bansa ang natukoy na.
Matatandaang ang UK variant case na ito ay isang 29-anyos na Pinoy mula sa Dubai.
Ayon sa Department of Health (DOH), sa bilang na ito ay anim ang kasama sa bahay ng nasabing 29-anyos na Pinoy.
Habang 49 naman ay Health staff na nag-asikaso rito mula nang dumating sa bansa hanggang sa madala siya sa Quarantine Facility sa Quezon City.
Habang ang 159 naman ay iba pang nakasabay nito sa biyahe sa eroplano pauwi sa bansa.
Pero ayon sa DOH lahat ng kasama sa bahay at mga Health staff na nag- asikaso rito ay wala namang sintomas ng virus at naka-isolate na.
Sa 159 pasahero ng EK-332, ay 152 na ang na-assess at naka- quarantine na lahat ayon sa DOH.
Sa ngayon ay hinihintay pa umano ng DOH ang buong report sa resulta ng ginawang RT PCR test sa kanila.
Ang mga magpopositibo ay isasailalim naman sa genome sequencing.
Madz Moratillo