Mahigit 200 inmates sa Bilibid at iba pang piitan ng BuCor, lumaya na
Kabuuang 234 persons deprived of liberty (PDLs) mula sa iba’t ibang kulungan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang lumaya ngayong Huwebes, Nobyembre 24.
Mula sa nasabing bilang, umaabot sa 128 ang mula sa New Bilibid Prisons at 21 mula sa Correctional Institution for Women (CIW).
Laya na rin ang 47 PDLs mula sa Davao Prison and Penal Farm; pito sa Leyte Regional Prison; 12 sa Sablayan Prison and Penal Farm; tatlo sa Iwahig Prison and Penal Farm; at 16 sa San Ramon Prison and Penal Farm.
Ang pagpapalaya sa mga nasabing inmates ay pinangunahan nina Justice Secretary Crispin Remulla, BuCor OIC Gregorio Catapang Jr., at Public Attorney’s Office Chief Persida Rueda- Acosta.
Bago ang seremonya ay binigyan ng pagkakataon ang ilang PDLs na matawagan ang pamilya para ipaalam na lalaya na sila.
Emosyonal ang mga inmate nang makausap sa telepono ang mga mahal sa buhay.
Umaasa ang DOJ, BuCor, at PAO na huwag nang bumalik sa mga kulungan ang PDLs.
Target ni Remulla na pagdating ng Hunyo 2023 ay makapagpalaya ng mahigit 5,000 preso na natapos na ang sentensya gaya ng ipinangako niya sa United Nations Human Rights Council (UNHRC).
Moira Encina