Mahigit 260 milyong halaga ng imprastraktura, napinsala ng bagyong Dante – DPWH
Tinatayang aabot sa 268.52 milyong piso ang halaga ng napinsala sa mga national roads at flood-control infrastructures sanhi ng bagyong Dante.
Sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na nagpapatuloy sa ngayon ang clearing operations sa mga naapektuhang kalsada at nasa 270 equipment assets at higit 1,500 workers ang itinalaga.
Sa datos ng DPWH, nasa higit nang 106 milyong piso ang partial damage sa Region 7 pa lamang habang nasa 162.32 million naman ang pinsala sa Region 12.
Patuloy pang nililinis ng DPWH ang mga isinarang kalsada sa Cebu, Eastern Samar, at Agusan del Sur Provinces.
Baha pa rin aniya sa Dalaguete-Mantalongon-Badian Road sa Brgy. Ablayan, Dalaguete, Cebu.
Sarado rin para sa clearing operations ang Wright-Taft-Borongan Road, K0861+(-439) – K0890+176, Camp. 5 Bndry-Jct. Taft sa Brgy. Binaloan, Taft, Eastern Samar dahil sa nangyaring landslide.
Hindi pa rin madaanan sa ngayon ang Butuan City-Talacogon-Loreto-Veruela-Sta. Josefa Road partikular ang Adgawan Bridge in La Paz, Agusan del Sur dahil sa bumagsak na lupa sa tulay.
Maaari aniyang dumaan ang mga motorista sa alternatibong ruta habang ginagawa ang tulay.