Mahigit 26,000 kabataan sa Maynila, nagpa-pre-register na sa Covid-19 Vaccination

May 26,630 kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 anyos sa Maynila ang nagpa-pre- register para sa COVID-19 vaccination.

Kahit hindi pa nagbibigay ng go signal ang Department of Health para sa pagbabakuna sa mga bata kontra Covid-19, binuksan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang registration para sa mga nasa edad 12 hanggang 17 anyos.

Paliwanag ni Manila Mayor Isko Moreno, mas mabuti ng napaghandaan ito ng Lungsod habang maaga.

Ayon sa Manila LGU, magpapatuloy ang pre-registration hanggang sa payagan na ng DOH ang pagbabakuna sa nasabing age group.

Sa mga nais na magparehistro maaaring magtungo sa vaccination website ng Manila LGU na www.manilacovid19vaccine.ph.

Maliban sa Maynila, ilan sa mga LGU na nagbukas na rin ng pre registration para sa mga Kabataan na nais magpabakuna kontra Covid-19 ay ang Caloocan at Pateros.

Sa ngayon, may 2 brand ng Covid 19 vaccine na ang binigyan ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration upang magamit sa mga nasa edad 12 pataas.

Ito ay ang mga bakuna ng Moderna at Pfizer BioNTech.

Ayon sa DOH, sa ngayon, prayoridad muna nilang mabakunahan ang mga mas vulnerable sa Covid-19 gaya ng mga matatanda at mga healthcare worker at mga myembro ng populasyong mas lantad sa panganib ng virus o working population.

Madz Moratillo

Please follow and like us: