Mahigit 3.7 na indibidwal nabakunahan sa 2nd round ng bayanihan bakunahan
Umakyat na sa mahigit 3.7 milyong indibidwal ang nabakunahan sa ikalawang round ng Bayanihan Bakunahan.
Ayon kay Health Usec. Myrna Cabotaje, Chairperson ng National Vaccination Center, ito ay matapos may 1.03 milyong nadagdag sa mga nabakunahan kahapon.
Sa mahigit 3.7 milyong ito, mahigit 2 milyon ang nabigyan ng ikalawang dose ng bakuna, habang mahigit 1.1 milyon naman ang nabigyan ng unang dose ng bakuna at nasa 289 libo naman para sa booster shot.
Para sa 2nd round ng Bayanihan Bakunahan, 7 milyon sana ang tinarget mabakunahan ng gobyerno.
Pero dahil sa bagyong Odette, maraming LGU ang hindi nakasabay sa malawakang bakunahan.
Ang iba humabol sa pagbabakuna simula kahapon habang sa ibang lugar na labis na sinalanta ng bagyo, depende na aniya ito sa mga LGU.
Gaya sa Regions 6, 7, 8, at Caraga region na labis na sinalanta ng Bagyong Odette, may ilang lugar ang masisimulan na ang bakunahan sa susunod na linggo.
Hanggang ngayong araw, nasa 44.2 milyon na ang fully vaccinated sa bansa habang 56.2 milyon naman ang partially vaccinated.
Madz Moratillo