Mahigit 30 indibidwal sa Kamara, nagpositibo sa Covid-19 sa isinagawang ikalawang mass testing
Nasa 34 indibidwal ang nagpositibo sa Covid-19 kasunod ng isinagawang ikalawang mass testing sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Pero ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, pumapalo lamang sa 1.19% ang kasong ito sa positivity rate sa Kamara.
Mas mababa rin aniya ito ng 5 porsyento kung ikukumpara sa unang isinagawang mass testing.
Sa unang mass testing kasi matapos maupo bilang House Speaker si Congressman Lord Velasco, 98 sa 2,000 indibidwal ang nagpositibo sa virus.
Sinabi pa ni Mendoza na ang 34 nagpositibo ay pawang mga asymptomatic at naka-isolate na at sinimulan na rin ang contact tracing.
Ang pagbaba aniya ng kaso sa Kamara ay dahil sa epektibong Covid-19 management sa Mababang Kapulungan.
Nauna nang ipinahayag ni Speaker Velasco na kailangang mas palakasin at ipagpatuloy ang pagsisikap ng pamunuan ng Kamara para hindi na dumami pa ang kaso ng Covid-19 lalu na ngayong mayroon nang bagong variant sa bansa.
Ang mga bibisita sa Kamara ay kailangang makapagprisinta ng negative antigen test bago siya payagang makapasok sa House complex.
Mahigpit ring ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask at face shield sa loob ng Kamara.