Mahigit 300 PDL’s sa NBP at mga penal farm sa bansa, pinalaya na
Kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ang paglaya ng 371 person deprived of liberty sa New Bilibid Prison at iba pang penal farm sa bansa.
Sa 371 na ito, 31 ang acquitted, 98 ang nabigyan ng parole, 2 ang pinalaya on probation at 240 naman ang napagsilbihan na ang kanilang sentensya.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, bukod sa 371 na ito may 360 pa silang inirekumenda kay PBBM para makalaya sa pamamagitan ng executive clemency.
Inatasan din niya ang Public Attorneys Office na mag-ikot sa mga prison facility sa bansa para makita kung may mga puwede pang palayain.
Ayon kay PAO Chief Persida Rueda Acosta, target nilang makapagpalaya ng mga PDL kada buwan.
Hanggang sa Disyembre ng taong ito ,may 3 libong PDL aniya ang kanilang target mapalaya.
Ayon kay Acosta hindi lang mga BJMP Jail facility ang bibisitahin ng kanilang PAO lawyers kundi maging mga kulungan sa mga istasyon ng pulisya.
Madelyn Villar-Moratillo