Mahigit 3,300 inmates sa BuCor facilities, naturukan na kontra COVID-19
Kabuuang 3,384 inmates mula sa mga pasilidad ng Bureau of Corrections ang naturukan na laban sa COVID-19.
Batay rin sa pinakahuling datos mula sa BuCor, umaabot na rin sa 1,094 na tauhan nito ang nabakunahan laban sa virus.
Sinabi ni BuCor spokesperson Gabriel Chaclag na mahigit 3,000 sa mga nabakunahan na PDLs ay mula sa Correctional Institution for Women, walo lang ang mula sa Bilibid, at ang ilang bilang ay mula sa ibang penal farms at colonies.
Samantala, walo na lamang na inmates ang nagpapagaling pa mula sa COVID habang 37 naman ang active cases sa hanay ng BuCor personnel.
Mula noong nakaraang taon ay nakapagtala ang BuCor ng 653 inmates na nagpositibo sa sakit habang may 381 tauhan ito na nahawahan.
Sa nasabing bilang, 32 PDLs ang nasawi dahil sa sakit habang anim na BuCor personnel ang namatay.
Una nang pinuna ng Commission on Human Rights ang mabagal na COVID vaccination sa mga kulungan ng BuCor at BJMP.
Aminado naman si Justice Sec. Menardo Guevarra na ang solusyon dito ay ang pagdating ng mas maraming suplay ng bakuna sa bansa upang mapaglaanan din ang mga inmates na nangangailangan din proteksyon laban sa virus.
Moira Encina