Mahigit 3,400 PDLs sa Bilibid at iba pang BuCor penal farms, napalaya sa ilalim ng Marcos Admin –DOJ
Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na desidido ito na mapalaya ang mas maraming inmate para ma-decongest ang mga kulungan.
Ito ang tugon ng DOJ sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang pagpapalaya ng mga person deprived of liberty (PDLs) na kuwalipikado sa parole.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na mas lalong naging determinado si Justice Secretary Crispin Remulla na mapalabas ng kulungan nang mas mabilis ang mga kuwalipikadong PDLs kasunod ng pahayag ni Pangulong Marcos.
Aniya sa simula pa lang ng panunungkulan ni Remulla sa DOJ ay talagang hangad nito na mapaluwag ang mga siksikan na kulungan ng bansa.
Inihayag ni Clavano na kabuuang 3,467 inmates mula sa iba’t ibang piitan ng Bureau of Corrections (BuCor) na ang napalaya ngayong Marcos Government.
On track aniya ang DOJ sa target nito na 5,000 PDLs na mapapalaya pagdating ng Hunyo 30, 2023.
Pinasalamatan ng opisyal si Pangulong Marcos sa suporta nito sa nais ng DOJ na pag-decongest ng mga piitan.
Moira Encina