Mahigit 400 libong factory at construction workers target mabakunahan ng DOLE kontra COVID-19
Aabot sa 452 libong factory workers at construction workers ang target ng Department Labor and Employment na mabakunahan rin kontra COVID-19.
Sa isang statement, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na inaprubahan ng National Task Force Against COVID-19 ang kanilang kahilingan para sa karagdagang bakuna para sa mga manggagawang nasa active industries.
Partikular na target aniyang mabakunahan ng DOLE ang mga factory worker sa Calabarzon, Region 3 at 7 at mga construction worker sa National Capital Region.
Ayon kay Bello, malaking tulong ito para mas mapabilis ang pagbubukas ng ekonomiya at mapalakas ang proteksyon ng mga manggagawa na nasa manufacturing at construction industries.
Una rito, inilunsad ng National Employment Recovery Strategy Task Force at Employers’ Confederation of the Philippines ang proyektong 1 Million Jobs for 2021.
Layon nitong makalikha ng mas maraming trabaho sa gitna ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Bello, bahagi ng commitment ng DOLE sa nasabing proyekto ay ang facilitation ng bakuna ng mga manggagawa sa kani-kanilang lokal na pamahalaan.
Madz Moratillo