Mahigit 400 pamilya sa Northern Samar na naapektuhan ng storm surge, nananatili pa rin sa mga Evacuation centers
Nananatili pa rin sa mga evacuation center ang nasa 412 pamilya na naapektuhan ng Storm surge sa Northern Samar.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) head Rei Echano, nangyari ang pagtaas ng alon ng halos 3 metro habang papa-landfall ang bagyong Rosita sa Luzon.
Aabot sa 28 mga bahay ang totally damaged mula sa mga coastal towns ng Catarman, Gamay, Mapanas at Pambujan.
Hindi naman maipangako ni Echano na hindi na muling papayagang makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga lumikas dahil wala pa naman silang malinaw na programa sa relocation.
Pero tiniyak naman ng opisyal na nabibigyan ng karampatang tulong ang mga apektadong pamilya.
Aniya, ang ganitong biglaang pagtaas ng tubig ay isang hindi pangkaraniwang pangyayaring kanilang naranasan sa nakalipas na 20 taon.
“This is a very rare phenomenon, one of a kind in 20 to 30 years. General directive ng aming Gobernador, maiparating sa iba pang parte ng probinsiya ang nangyari na ito na potential talaga kami sa Storm surge”.