Mahigit 47K na libreng anti-dengue kits ipinamamahagi sa Public elementary students sa Makati
Aabot sa 47,212 public elementary students ang makikinabang sa libreng anti-dengue kits na sinisimulan nang ipamahagi ng pamahalaang lungsod ng Makati.
Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, ang pamamahagi ng anti-dengue kits sa mga mag-aaral ay bahagi ng kampanya laban sa dengue lalo na ngayong tag-ulan.
Naglalaman ang bawat pouch ng 250 ml mosquito repellent lotion at wrist band na may apat na citronella capsules.
Ang isang capsule ay tumatagal ng tatlong buwan.
Ayon kay Mayor Abby, lahat ng public elementary students mula Kinder hanggang Grade 6, kabilang ang mga mag-aaral sa Special Education (SpEd) curriculum, ay makakakuha ng anti-dengue kit.
Taong 1995 nang nagsimulang mamigay ng libreng school supplies at uniporme ang pamahalaang lungsod sa ilalim ng Project FREE o Free Relevant and Excellent Education.
Bukod sa pamamahagi ng anti-dengue kits patuloy rin aniyang nagsasagawa ang lungsod ng clean-up drives, preventive misting operations, at health education seminars sa mga barangay upang maiwasan ang mga sakit na dala ng lamok.
Mula January 1 hanggang August 15, nakapagtala ng 334 dengue cases ang Makati City Epidemiology and Surveillance Unit.