Mahigit 5 bilyong piso, inilaan ng Manila LGU para sa pagtatayo ng mga modernong Public School
Aabot sa mahigit 5 bilyong piso ang inilaang pondo ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa konstruksyon ng tatlong modernong public schools sa lungsod.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, sa ilalim ng Educational Plan ng Lungsod, 2 bilyong piso ang kanilang inilaan para sa konstruksyon ng Dr. Alejandro Albert Elementary School, P1.9 billion para sa Rosauro Almario Elementary School, at P1.3 billion para sa Manila Science High School.
Sa kanyang ikatlong State of the City Address, binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng edukasyon lalo na ngayong panahon ng Pandemya.
Mananatili aniyang bukas ang mga paaralan sa lungsod kahit sa mga estudyante na hindi residente sa Maynila.
Ayon kay Mayor Isko, kailangang paghandaan ang mga susunod na taon na siguradong madaragdagan ang populasyon at magamit ng mga estudyante ang modernisadong mga pampublikong paaralan.
Para sa darating na school year, inaprubahan na rin ni Mayor Isko ang pondo para sa 60,820 karagdagang tablets para sa mga bagong enroll na public school students.
Naglaan na rin ng pondo ang Manila LGU para sa internet data ng mahigit 200,000 K-12 students, at halos 5 milyon para naman sa teachers training.
May naka-standby naman na mahigit 60 milyon sakaling tumaas ang enrollment sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Madz Moratillo