Mahigit 50% ng tourism workers sa bansa, nabakunahan na kontra COVID-19
Mahigit kalahati ng mga tourism frontline worker sa bansa ang nabakunahan na kontra Covid-19.
Ayon kay Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat, batay sa kanilang datos, hanggang Setyembre 10, 2021 ay may 126,097 tourism workers na sa bansa ang nabakunahan.
Katumbas aniya ito ng 51.40 percent ng 245,338 tourism workers sa Luzon, Visayas, at Mindanao na target nilang mabakunahan laban sa virus.
Pinakamarami sa mga tourism worker na nabakunahan ay mula sa National Capital Region na umabot sa 94%, sinundan ng Davao Region na may 88%, at Cordillera Administrative Region na may 80%.
Hinikayat naman ni Puyat ang iba pang tourism worker na magpabakuna na rin kontra Covid-19 lalo na at laganap ngayon ang presensya ng mas nakakahawang Delta variant.
Naniniwala si Puyat na ang pagbabakuna sa mga manggagawa sa tourism industry ay malaking tulong sa recovery ng domestic tourism.
Ang ilan sa mga tourism frontliner ay nakasama sa A1 priority group dahil nagtatrabaho sila sa mga accommodation establishments na nagsisilbi bilang quarantine hotels o isolation facilities.
Habang ang iba ay pasok naman sa A4 category o essential workers.
Madz Moratillo